Congressional candidate Rose Lin, kinasuhan sa korte

Photo credit: Rose Lin/Facebook

Aabot sa 290 counts ng vote-buying ang isinampa laban sa congressional candidate na si Rose Lin.

Ayon sa panibagong reklamo, nagpapatuloy ang talamak na bilihan ng boto sa District 5 sa Quezon City sa kabila ng umuusad nang imbestigasyon sa Commission on Elections (Comelec) laban sa akusado.

Sa sinumpaang salaysay ng mga complainant na binubuo ng mga indibidwal sa ilalim ng samahang Nagkakaisang Mamamayan ng Novaliches, itinatago ng kampo ni Lin sa katagang ‘ayuda’ at ‘scholarship’ ang pamimili ng boto.

“Si Rose Nono Lin na mismo ang umaming bumibili sila ng boto ng mga kapwa naming Novaleño upang mailuklok siya sa pwesto. Noong ika-2 ng Abril lang, inamin niya sa isang Facebook ‘Live’ video na nagbibigay sila ng 300 pesos ‘simula last year’ sa mga TODA drivers at ng pera sa anak ng mga botante bilang ‘financial assistance’,” ayon sa kanila.

Ayon naman sa mga saksi, nadagdagan pa ang modus ng malawakang vote-buying. Sa mga bahay-bahay na umano ng mga tinaguriang lider ni Lin nagaganap ang krimen. Kasama sa mga inihabla ang siyam pang ‘kasabwat’ ni Lin. Ang iba sa kanila ay mga nakaluklok na barangay kagawad ng Distrito 5 na inaakusahang pumapayag gawing kuta, lungga o kubol ang kanilang mga bahay sa pagbibili ng boto.

Nauna nang nagpahayag si Commissioner George Erwin Garcia na agad nitong ipapa-subpoena ang mga nasasakdal para masimulan na ang pormal na imbestigasyon. Ayon kay Garcia, magsisilbing babala ang kasong isinampa kay Lin sa iba pang magtatangkang bumili ng boto.

Nagbaba naman ng marching order si Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga field at regional officer ng National Bureau of Investigation (NBI) na i-monitor ang mga pagtitipon na patawag ng local candidates para mahuli sa akto ang mga bumibili ng boto.

Matatandaang nauna nang napabalita ang isang senior citizen na isinugod sa ospital na kinalaunan ay sumakabilang buhay dahil sa kanyang pagpila sa vote-buying ni Lin sa halagang limandaang piso.

Si Lin ay asawa ni Lin Weixiong na tinaguriang financial manager ng maanomalyang Pharmally. Nasasangkot din dito si Lin na may nakabinbing warrant of arrest dahil sa kanyang pag-iwas sa mga pagdinig ng Senado.

Siya ay tumatakbong independent matapos itong patalsikin ng Lakas-CMD ng tambalang Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Mayor Sara Duterte-Carpio.

Read more...