Sa pangunguna ni Commissioner Caesar Dulay, haharapin ng mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lahat ng mga kaso na isasampa kaugnay sa diumanoy kabiguan nila na masingil ang P203 bilyong utang sa buwis ng pamilya-Marcos.
Ito ang sinabi ni Dulay kaugnay sa pahayag ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na maaring kasuhan ang mga opisyal ng kawanihan dahil sa hindi pagsingil sa dating Unang Pamilya.
Paglilinaw din ni Dulay, P23.3 bilyon lamang ang utang sa buwis ng pamilya Marcos at hindi P203 bilyon.
Naniniwala din aniya siya na sa sistemang pang-hustisya ng bansa, mga batas ang magiging basehan at hindi ang mga opinyon ng publiko.
Pagtitiyak din ng opisyal na patuloy na hahabulin ng kawanihan ang mga hindi binabayarang buwis ngunit aniya ang bawat hakbang nilang gagawin ay base sa proseso.
Nabanggit din nito na limang administrasyon at 13 BIR commissioners na ang pinagdaanan ng sinasabing utang sa estate tax ng pamilya Marcos.