Hindi pa napapanahon na bawiin ang deployment ban sa ilang mga bansa sa Gitnang Silangan.
Ito ang paniniwala ni Labor Attache Alejandro Padaen, ng Philippine Overseas Labor Office sa Lebanon, at aniya makakabuti kung makikipag-ugnayan muna ang mga kinauukulang opisyal bago bawiin ang deployment ban.
Una nang inihayag ni Migrant Workers Sec. Abdullah Mama-o, na irerekomenda niya kay Pangulong Duterte ang pagbawi ng deployment ban ng Filipino workers sa Saudi Arabia gayundin sa Libya at Iraq.
Ngunit katuwiran ni Padaen maraming bansa sa Middle East ang hindi pa nakakabangon at wala pang napapagkasunduan ukol sa ‘standard contract’ lalo na sa mga domestic workers.
“Considering the economic aspect, it may not be the right time yet to deploy new hires in Lebanon. Several companies have closed down and we have not been deploying household service workers since 2007,” aniya.
Diin pa ni Padaen maaring mas makakabuti kung pag-aaralan muna ng husto ang sitwasyon bago muling magpadala ng mga manggagawang Filipino sa ilang bansa.
Hanggang noong 2020 tanging ang mga Filipino na may kontrata at rehistrado sa Balik Manggagawa program ang pinapayagan na makabalik ng Lebanon.