Patapos na ang termino ni Pangulong Duterte at pinuna ni reelectionist Senator Leila de Lima ang patuloy na malambot na pagharap ng Malakanyang sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Diin ni de Lima ang patuloy na pagkibit-balikat ni Pangulong Duterte sa isyu ay pagpapakita lamang ng kanyang kaduwagan sa China.
“Hanggang dulo ng kanyang termino, wala talagang balak manindigan para sa ating soberenya at teritoryo itong si Duterte. Aside from thousands of killings, culture of impunity and corruption, surrendering the country’s sovereignty over the WPS to China is his legacy,” sabi ng senadora.
Dapat aniya ay matigil na ang pagpapaniwala ng Punong Ehekutibo na walang mali sa patuloy na pambu-bully ng China sa Pilpinas kahit kabuhayan na ng mga mangingisdang Filipino ang naaapektuhan.
Kamakailan, sinabi ni Pangulong Duterte na walang away sa pagitan ng Pilipinas at China at aniya madadaan sa usapan ang agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Kayat diin ni de Lima, kailangan ay maihalal ang mga kandidato na tiyak na maninindigan at ipaglalaban ang soberenya at teritoryo ng Pilipinas.
Samantala, nakabalik na kahapon sa PNP Custodial Center si de Lima matapos sumailalim ng medical tests sa Manila Doctors Hospital.