“Ignorance of the law exempts no one.”
Pahayag ito ni Aksyon Demokratiko presidential candidate Manila Mayor Isko Moreno sa P203 bilyong eatate tax liability ng pamilya ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa pangangampanya ni Moreno sa Pagadian City, sinabi nito na obligado ang pamilya Marcos na bayaran ang buwis.
“Ang punto ko, hindi na ito kailangang singilin, obligasyon ito. Yun bang buwis na yon para lang sa kanila? Hindi. Para sa lahat. So, kung sa iyo applicable, sa tatay at nanay mo applicable, sa pamilya mo applicable, applicable din sa kanila. Ano pa ang ipapaliwanag ng abogado doon,” pahayag ni Moreno.
“Hindi po ito charity, hindi tayo namamalimos. Obligasyon ito!” pahayag ni Moreno.
Ayon kay Moreno, hindi dapat na magpaka-ignorante si Marcos sa demand letter na ipinadala ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
“Alam mo ba na meron kang obligasyon? Yes. Alam niyo naman, sinasabi sa batas, ‘ignorance of the law excuses no one from compliance therewith.’ More so, ito’y mga pamilya ng mga pulitiko, mga pulitikong nagpapatupad din ng batas at gumagawa din ng batas,” pahayag ni Moreno.
“Lalo na sila, sila ay nag-aral kung saan-saan na matatayog na bansa at sila ay naging mambabatas din, o naging governor at matagal sila na namuno. So, alam nila yung batas” pahayag ni Moreno.