Umabot na sa kulang-kulang dalawang libo ang bilang ng mga biktima ng food poisoning outbreak sa Caraga Region, dulot ng durian candies.
Ayon sa Department of Health o DOH-Caraga, umakyat na sa 1,909 ang mga taong apektado ng food poisoning sa rehiyon.
Mula sa nasabing bilang, wala namang nasawi o nasa seryosong kondisyon pero naka-confine pa rin sa mga ospital ang nasa 111 na indibidwal.
Karaniwang inirereklamo ng mga pasyente ay pananakit ng tiyan, diarrhea, pagsusuka at pananakit ng ulo.
Sinabi ng DOH-Caraga na maaaring hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga kaso, lalo’t nahuli na ng mga otoridad ang siyam na lalaki at babae na umano’y nagtinda ng durian candies sa mga bata.
Patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon kung ang durian candy ay expired o sinadyang nilagyan ng lason.
Itinanggi naman ng mga vendors na ang kanilang mga paninda ay may lason./ Isa Avendano-Umali