Debris na posibleng mula sa nag-crash na Egyptair flight, natagpuan

May mga natagpuang debris sa Mediterranean Sea na pinaniniwalaang bahagi ng nag-crash na EgyptAir flight 804.

Biglang nawala sa radar ang EgyptAir flight 804 kahapon habang lumilipad ito mula sa Paris, France tungong Cairo, Egypt.

May lulan itong 66 na pasahero at crew.

Ayon sa isang Greek military official, natagouan ng isang search plane ang dalawang piraso ng debris 370 kilometro south-southeast ng isla ng Crete.

Ito aniya ay nasa loob ng air traffic control area kung saan iniulat na nawala ang EgyptAir flight.

Samantala, ayon kay Egyptian Prime Minister Sherif Ismail, na hindi nila inaalis ang posibilidad na isang terror attack ang dahilan ng pagbagsak ng naturang eroplano.

Gayunman, kinakailangang matapos muna aniya ang isasagawang imbestigasyon bago madetermina ang tunay na dahilan sa likod ng trahedya.

Una rito, sinabi ni Greek defense minister Panos Kammenos na batay sa flight data, naging kapansin-pansin ang biglaang pagliko at pagbabago ng altitude ng EgyptAir flight 804 bago ito tuluyang nawala sa radar.

Read more...