Pagbebenta ng mga magulang ng malalaswang larawan ng anak, laganap – DSWD
Matinding kahirapan ang nagtutulak sa ilang magulang na ialok sa internet ang malalaswang larawan at vdieos ng kanilang anak.
Ito ang sinabi ni Emelia Bolivar, isang opisyal ng DSWD – Region 3 sa panel discussion ng #MakeITSafe PH online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC) webinar na pinangunahan ng Globe.
Naniniwala ang mga magulang, ayon naman kay UNICEF SaferKidsPH Advocacy Officer Ramil Anton Villafranca, na wala naman epekto sa kanilang mga anak ang kanilang ginagawa sa katuwiran na walang ‘physical contact.’
“Napakahirap ng unlearning dahil nasanay sila na ang mga magulang ang pinakamakapangyarihang tao sa kanilang buhay.Tinutulungan namin ang mga batang ito na magkaroon ng mas mahusay na pagpapahalaga sa sarili. Pinapaintindi namin sa kanila na importante sila, na puwede pa rin silang maging somebody someday,” dagdag pa ni Bolivar.
Ang Pilipinas ang nangungunang pinanggagalingan ng mga malalaswang content sa buong mundo, ayon sa National Center for Missing and Exploited Children (NCMEC).
Sa katunayan, isa sa kasalukuyang nauusong hashtag ang #bagets na ginagamit ng mga taong may pagnanasang sekswal sa mga bata para maghanap ng mabibiktima.
Ang Globe nilalabanan ang paglaganap ng OSAEC at binibigyan ng proteksiyon ang mga bata sa pamamagitan ng #MakeITSafePH campaign simula pa noong 2017.
Namuhunan na ang kompanya ng higit $2.7 million para ma-block ang mga website na nagpo-promote ng child pornography at pamimirata. Nakikipag-ugnayan din ang Globe sa iba’t ibang organisasyon gaya ng Internet Watch Foundation (IWF), Canadian Centre for Child Protection, at SaferKidsPH.
Mayroon din itong Digital Thumbprint Program na nagtuturo ng responsableng pag-uugali at paggamit ng Internet.
“Nananawagan kami sa lahat na samahan kami sa adbokasiyang ito. Patuloy ang Globe sa pagpapaigting ng mga programang layon na wakasan ang OSAEC at masigurong ligtas ang cyberspace para sa mga bata. Kailangan ng pagtutulungan ng lahat ng sektor ng lipunan para magtagumpay tayo sa labang ito,” sabi ni Yoly Crisanto, SVP Group Corporate Communications at Chief Sustainability Officer ng Globe.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.