Umaapela si Senador Bong Go sa mga rebelde na sa halip na makibaka, magbalik loob na lamang sa pamahalaan.
Tugon ito ni Go sa pahayag ng Communist Party of the Philippines na palakasin pa ang recruitment at hikayatin ang publiko na mag-aklas at makibaka laban sa pamahalaan.
Ayon kay Go, kailangan ngayon ang whole-of-nation approach para tugunan ang insurgency.
“Mayroon lang akong pakiusap, imbes na mag-recruit kayo gawin niyo na lang ay magbalik-loob na lang kayo sa gobyerno. Mayroon namang programa si Presidente (Rodrigo) Duterte ang ELCAC, tulong ng mga barangay para ma-encourage ang mga barangay na dumami pa ang mga barangay na ma-insentibo. So ako diyan as a Senator, tutulong ako para sa ikaayos ng lahat, peace ang sagot ko,” pahayag ni Go.
Ayon kay Go, labis na nakadidismaya ang pahayag ng CPP.
“Alam niyo, matagal na itong problema sa NPA sa insurgency. Fifty years na wala paring nangyayari. Mayroon tayong programa sa gobyerno na magbalik loob sa gobyerno, tutulungan kayo ng gobyerno bibigyan kayo ng pabahay at livelihood. Puntahan niyo lang kami,” pahayag ni Go.
Sa halip na magpatayan, sinabi ni Go na mas makabubuting idaan na lamang sa mabuting usapan.
“Mag-usap na lang tayo, ayaw ko ng patayan. Sino ba ang gustong magpatayan? Pilipino laban sa Pilipino, malungkot diyan sa bukid. Mga kababayan ko, huwag na kayong magdagdag. Imbes na mag-recruit kayo, pumunta na lang kayo dito. Tumulong na lang tayo sa gobyerno,” pahayag ni Go.
“Kawawa ang mga Pilipino at kawawa ang inyong mga anak, dahil kung hanggang ngayon ganoon pa rin at giyera pa rin. Pilipino laban sa Pilipino, masakit ‘yon. At kung may mamatay na sundalo kawawa ang pamilya. ‘Pag may namatay na rebelde, kawawa ang pamilya at Pilipino pa rin sila,” dagdag ng Senador.