Panahon na para isantabi ng mga Filipino ang ‘survey mentality’ sa pagboto sa mga kandidato.
Ito ang sinabi ni independent presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson at paliwanag niya, sa ngayon, marami ang bumoboto base sa puwesto ng kandidato sa surveys.
Ito aniya ang pinakamalaking pagsasayang ng boto dahil naisasantabi ang kakayahan at kuwalipikasyon ng mga kandidato.
Ibinahagi nito ang nakuha niyang impormasyon na sa pinakahuling surveys, dalawang porsiyento lamang ang kanyang nakuhang ‘hard votes,’ samantalang 40 porsiyento naman sa ‘soft votes.’
Ito aniya ang mga botante na nagdadalawang-isip na iboto siya dahil huli siya sa surveys.
“Based sa feedback na nakukuha namin sa Luzon, Visayas and Mindanao, ganoon ang sinasabi. Gusto namin ang Lacson-Sotto tandem. Sila ang competent, qualified at may kakayahan. Gusto namin sana sila iboto,” sabi ni Lacson sa pagbisita niya sa Zamboanga City.
Diin nito, dapat matuto ang mga Filipino na magdesisyon para sa kanilang sarili sa halip na magbase sa surveys.
“Kung pipili tayo, dapat karapat-dapat. Hindi ang palagay ng marami ay mananalo. After all, lalong sayang ang boto ninyo kung ang pipiliin nyo ang alam ninyong hindi karapat-dapat dahil alam nyo lang yan ang mananalo. Hindi ba mas sayang ang botong ganoon,” dagdag pa nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.