Ping – Tito tandem, hindi sasakay sa ‘politics of entertainment’

Bago sumapit ang eleksyon sa Mayo 9, ibinahagi ni independent presidential aspirant Panfilo “Ping” Lacson na ikinukunsidera nila ang pagsasagawa ng isa o dalawang ‘bigtime campaign rallies.’

Sa ngayon, ayon kay Lacson, sinimulan nang kumilos ng kanilang organizers para sa malaking pagtitipon ng mga tagasuporta.

Pagtitiyak naman nito, hinding-hindi sila hahakot at magbabayad ng mga tao para lumabas na dinumog ang kanilang rallies.

Unang ibinunyag ni Lacson na nilapitan ang isa nilang organizer sa lalawigan ng Rizal at inalok ng mga tao na mahahakot para dumalo sa campaign rallies.

Sinabi na P500 ang bayad sa bawat tao, ngunit P200 lamang ang aktuwal na natatanggap dahil sa ginastos sa kanilang transportasyon at pagkain.

Ayon naman kay Vice Presidential candidate Vicente “Tito” Sotto III, hinding-hindi sila sasakay sa tinatawag na ‘politics of entertainment’ para lamang madami ang pumunta sa kanilang rallies.

Aniya, mananatili ang kanilang istratehiya, ang makipag-dayalogo sa mga tao para personal na alamin ang kanilang mga pangangailangan at nais sa isang gobyerno.

Read more...