Ikalawang LTO plate-making robot, operational na

Operational na ang isa pang automated plate-making machine ng Land Transportation Office (LTO).

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), kinuha ang ikalawang plate-making robot para sa Plate-Making Facility sa Quezon City upang makapagsagawa ng motorcycle license plates.

Inilaan ang unang makina para sa paggawa ng motor vehicle plates.

Kayang makagawa ng makina ng 450 motorcycle plates kada oras, o 3,600 motorcycle plates sa walong oras na shirt kada araw.

Dalawang tauhan ng LTO ang mag-ooperate ng naturang makina.

Ayon kay Transportation Secretary Art Tugade, masosolusyunan nito ang problema sa paglalabas ng motorcycle license plates.

“First time natin nagkaroon ng high-tech na robot na gumagawa ng plaka, first time din natin nagkaroon ng dalawa. Hindi na ‘ho manu-mano ang paggawa ng ating plaka. Sa tulong nitong IDE-Robot, mas mapapabilis pa natin ang distribusyon ng plaka para sa ating mga motorista. I have to commend Asec. Galvante for this important initiative,” saad ng kalihim.

Samantala, ipinaliwanag naman ni LTO Chief Assistant Secretary Edgar Galvante na ang bagong plate-making machine ay pandagdag sa ginagamit na plate-making machines sa LTO Plate-Making Facility para sa mas mabisa at mabilis na produksyon ng motor vehicle at motorcycle plates.

Saad ni Galvante, “Malaking tulong ito para i-augment ‘yung kasalukuyang capacity ng ating facility. And as we produce, we will continue to distribute so that we can provide plates for all registered vehicles.”

Read more...