Mga miyembro ng Task Force Kontra Daya ng Comelec, itatalaga sa Miyerkules
Itatalaga na ng Commission on Elections (Comelec) ang mga miyembro ng Task Force Kontra Daya para sa 2022 National and Local elections.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Comelec Commissioner George Erwin Garcia na itatalaga ang mga miyebro ng task force sa Miyerkules, March 30.
“Ito pong darating na Miyerkules ay atin pong ico-constitute na at itatalaga na ‘yung mga miyembro po ng Task Force Kontra Daya natin na pangungunahan ng Commission on Elections,” pahayag ni Garcia.
Tututukan ng naturang task force ang mga mapapaulat na insidente ng vote buying sa nalalapit na eleksyon.
Magiging bahagi aniya nito ang Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Information Agency (PIA), Philippine National Police (PNP), at Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Isa po talagang multi-agency task force po ‘yan na hihingan natin ng tulong para iparating sa lahat, hindi lamang sa ating mga kandidato kundi lalong-lalo na sa ating mga mamamayan na seryoso po ang inyong Comelec at ang inyo pong pamahalaan na masawata, pigilan ang isyu ng vote buying,” saad pa nito.
Kapag mayroong vote buying, iginiit ni Garcia na hindi lumalabas ang tunay na sentimiyento ng mga mamamayan.
“Hindi po natin babalewalain ang mga akusasyon at mga alegasyon, pati po sa vote buying,” ani Garcia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.