National Broadband Program, mapopondohan kung magbabayad ng buwis ang pamilya Marcos
Sinabi ni independent presidential aspirant Panfilo “Ping” Lacson kung mababayaran lamang ang diumano’y P203 bilyong utang sa buwis ng pamilya Marcos, mapopondohan ang National Broadband Program sa bansa.
Ito aniya ang dahilan kayat suportado niya ang mga hakbang para habulin ang atraso sa buwis ng pamilya ng kapwa niya presidential aspirant na si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sinabi nito na P18 bilyon lamang ang kailangan para sa national broadband plan.
“Pag nagawa ‘yon (NBP) magiging steady ‘yung ating internet service. Sa kasamaang palad, lagi kong pinu-pursue ‘yon—P18-billion. Kayang-kayang hugutin ‘yon sa ibang mga ahensya na alam ko naman hindi magagamit sa tama. Ang problema na naman implementation,” sabi ni Lacson sa pakikipag-diyalogo nila ng kanyang running mate, Tito Sotto, sa mga residente ng Pasay City.
Ibinahagi nito na P900 milyon lamang ang inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) para maikasa ang plano.
Kayat aniya, kapag nabigyan sila ng pagkakataon ni Sotto, tiniyak nito na gagawin nilang prayoridad ang pagpapalakas ng internet sa bansa, para magbigay daan na rin sa isinusulong nilang digitalization.
Paliwanag ni Lacson, sa pamamagitan ng digitalization, magiging maayos at mabilis ang mga transaksyon sa gobyerno, kasama na ang paniningil at pagbabayad ng lahat ng buwis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.