Nadagdagan pa ang bilang ng mga indibiduwal na naapektuhan ng pag-alburoto ng Bulkang Taal noong March 26.
Sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bandang 8:00, Lunes ng umaga (March 28), umakyat sa 1,060 pamilya o 3,850 katao ang apektado ng aktibidad sa naturang bulkan.
Nagmula ang mga apektadong mamamayan sa 14 barangay sa probinsya ng Batangas.
Mayroong 16 na itinalagang evacuation center.
Nasa 3,460 ang displaced persons sa loob ng evacuation centers, habang 201 naman ang displaced person sa labas ng evacuation centers.
Samantala, base sa 8:00 update ng Phivolcs, walang na-detect ang Taal Volcano Network o TVN na volcanic earthquake sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras.
May naganap na ‘upwelling’ ng mainit na volcanic gas sa lawa ng main crater na lumikha ng plume na may taas na 1,000 metro na napadpad sa Timog-Kanluran.