COMELEC, Smartmatic at PPCRV, inakusahan ng pananabotahe

By Kathleen Betina Aenlle May 19, 2016 - 04:38 AM

 

Inquirer file photo

Kinasuhan ng grupong Mata sa Balota Movement ang mga opisyal ng Commission on Elections (COMELEC), ang technology provider ng automated election system na Smartmatic at si Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) chair Henrietta de Villa dahil sa umano’y pananabotahe sa halalan.

Ito ay may kaugnayan sa kontrobersyal na alteration sa transparency server script ng COMELEC.

Una nang iginiit ng kampo ni vice presidential candidate Sen. Bongbong Marcos na ang nasabing pagbabago sa data packet ng server ay nauwi sa manipulasyon ng unofficial tally ng PPCRV kung saan mas nanguna sa kaniya si Rep. Leni Robredo.

Nilinaw naman ng convener ng Mata sa Balota Movement na si Fr. Robert Reyes na hindi sila mga tao ni Marcos, at sinabi pang hindi niya nais manalo ang senador dahil naranasan niya ang martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Mas nanaisin pa nga niya aniya na manalo ang kalaban ni Marcos, ngunit ikalulungkot rin naman niya kung matatalo ang senador sa pamamagitan ng pandaraya.

Ayon kay Reyes, hindi sapat ang naging paliwanag ni COMELEC Commissioner Andres Bautista na “cosmetic change” lamang ang ginawa ng pagpapalit sa server script at para lang ito maiayos ang pangalan ng mga kandidatong may “ñ”.

Posible aniyang ito ay “tip of the iceberg” lamang o ito lang ang nakikita at mayroon pa itong ibang natatagong epekto.

Dapat rin aniya ay pinayagan ng COMELEC at Smartmatic ang ilang accredited IT observers na obserbahan ang ginawang alteration.

Ang mga respondents sa 14-pahinang “class suit” na isinampa ng grupo ay sina Marlon Garcia ng Smartmatic na siyang gumawa ng alteration sa server script, si De Villa, mga “John Does and Jane Does” mula sa COMELEC at ang mismong Smartmatic.

Sa reklamong ito, inakusahan ang mga nabanggit ng paglabag sa Republic Act No. 9369 o election automation law.

Pumalag naman ang PPCRV at iginiit natumatanggap lamang sila ng datos at wala silang kinalaman sa pagpapalit sa script.

Ayon pa kay PPCRVY media and communications direcrtor Ana de Villa Singson, wala silang koneksyon at access para mabago ang nasabing server script dahil tanging mga opisyal lang ng COMELEC at Smartmatic ang may kakayahang gawin ito.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.