COMELEC, handang magpa-full system audit

 

Inquirer file photo

Handa ang Commission on Elections (COMELEC) na maisa-ilalim sa full system audit ang automated election system (AES) sa gitna ng mga alegasyon ng pandaraya na ibinabato sa kanila ng kampo ni Sen. Bongbong Marcos.

Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, simula naman noon ay isinusulong na ng poll body ang transparency.

Napatunayan na rin aniya nila ang kanilang “commitment to transparency” nang hayaan nilang ma-review ng iba’t ibang partido ang gagamiting source code sa AES.

Ani pa Bautista, bukas naman sila sa pagtugon ng mga rasonableng kahilingan para sa anumang impormasyon dahil ito ay bahagi ng transparency na kanilang isinusulong.

Samantala, ayon naman kay COMELEC Commissioner Rowena Guanzon, nagsasagawa na rin ng sariling systems audit ang poll body bilang paghahanda sa kanilang report sa Kongreso.

Bilang nanunungkulan pa rin naman aniya si Marcos bilang Senador, tiyak na makakakuha ang vice presidential candidate ng kopya ng ilalabas nilang ulat tungkol dito.

Matatandaang pormal nang humiling ang kampo ni Marcos ng systems audit para sa AES upang malaman kung hanggang saan talaga ang naging epekto ng hindi otorisadong pagbabago sa transparency server script.

Read more...