Partylist form sa aplikasyon sa DSWD ayuda sa Cavite, kinuwestiyon
Labis na ipinagtataka ng mga residente ng mga lungsod at bayan na kabilang sa Unang Distrito ng Cavite ang isang form na kasama sa application form para sa ayuda na magmumula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinasabi na ang form na may tatak na simbolo ng isang Partylist Group at ng isang lokal na opisyal ay kabilang sa mga kinakailangan na isumiteng dokumento para sa mga nais makatanggap ng P2,000 ayuda mula sa DSWD.
Kasama dito ang membership form para sa Agimat Partylist, Jolo Cares, Ricafrente at isa pang form para sa ‘precint number,’ na nakadagdag pa sa pagtataka ng mga nais mabigyan ng ayuda.
Hinala nila nagagamit sa eleksyon ang kanilang aplikasyon sa DSWD at ipinag-aalala nila na magagamit ito sa ‘vote buying.’
Sa mga posts sa social media accounts, unang napansin ang ibang forms sa bayan ng Rosario at kasunod nito ay nabunyag na may mga kumalat din sa mga bayan ng Noveleta, Kawit at Cavite City.
Nabatid na ang ayuda ay bahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD at sa Cavite, P400 milyon ang inilaan para sa naturang programa.
Marami din sa mga komento ay ang pagmamadali ng ilang pulitiko na maipamudmod agad ang ayuda, lalo na sa mga nabanggit na lungsod at bayan sa Cavite.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.