Deployment ban ng OFWs pinababawi na sa DOLE ng isang partylist group

Hiniling ng AkoOFW  Partylist group kay Labor Secretary Silvestre Bello III na bawiin na ang umiiral na deployment ban sa mga Filipino household service members sa Saudi Arabia.

Sinabi ni Bong Concha sobra nang apektado ang kabuhayan ng mga umuwing OFWs na umasang makakabalik sa kanilang trabaho sa naturang bansa.

Binanggit din nito na simula noong Disyembre, daan-daang OFWs na rin ang stranded sa bansa at hindi makabalik sa kanilang trabaho sa Saudi Arabia dahil sa pag-iral ng deployment ban.

Nanawagan na rin si Dr. Chie Umandap, first nominee ng Ako OFW, kay Bello na pakinggan ang hinaing ng mga OFW, na tanging inaasahan na magtataguyod ng kanilang pamilya.

“Ang Ako OFW ay boses ng mga OFW, ang kanilang panawagan ay ating ipinararating. Kung hindi rin sila mapipigilan sa kanilang pangarap. Ako ay nananawagan kay Sec. Bello kung maari ay mabigyan sila ng pagkakataon at hindi mawala ang oportunidad,” diin ni Umandap.

Kasabay nito, ipinanawagan na rin nito kung sa pamamagitan ng diplomatic relations ay mabayaran na ang 11,000 OFWs na naalis sa trabaho sa Saudi Arabia.

Read more...