Sen. Go, nagsagawa ng monitoring visit sa East Avenue Medical Center sa QC

By Chona Yu March 24, 2022 - 06:20 AM

Personal na nagsagawa ng monitoring visit si Senador Christopher “Bong” Go sa East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City, upang bigyang diin ang commitment ng pamahalaan sa mas malawak at epektibong pagbibigay ng public health services sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ang EAMC ay nangunguna sa mga hakbang sa paglaban sa pandemya, na tumatanggap sa mga pasyenteng may COVID-19 at  Persons Under Investigation. Sinaksihan ni Go ang pag-turnover ng financial support na nagkakahalaga ng P235 milyon mula sa Office of the President sa EAMC upang ma-upgrade ang kanilang Medical Oxygen Generating System, at iba pa, at upang matulungan ang mahihirap na pasyente.

Na-turnover din ng OP ng tig-P100 milyong halaga ng pondo para matulungan ang mga pasyente sa National Children’s Hospital (NCH), National Kidney and Transplant Institute (NKTI), at Philippine Orthopedic Center (POC), na pawang nasa Quezon City, at National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City.

“Now is the time to really invest in our healthcare system. Umaasa ako na ito ang huling pandemya sa ating buhay pero ang totoo hindi natin alam kung kailan dadating ang susunod. Kaya sa mga ospital, full support kami ni Pangulong (Rodrigo) Duterte sa mga pangangailangan ninyo basta ang makikinabang ay ang mga mahihirap,” pagtitiyak ng senador.

Sa kanyang talumpati sa harap ng hospital staff, batid ni Go na maraming Filipino sa malalayo at liblib na lugar ang wala pa ring access sa essential health services.

Dahil dito, tiniyak ng mambabatas na isusulong nya ang batas para palawakin ang kapasidad ng health care system sa lahat ng level sa abot ng kanyang makakaya bilang Chair ng Senate Committee on Health.

“Kakagaling ko lang sa Davao Occidental at ang pinakamalapit na general hospital doon ay 200 kilometers away, sa Davao City. Kung may emergency, hindi na aabot ang pasyente. Kaya tinulangan namin sila para sila ay makapagpatayo ng bagong ospital,” saad ni Go.

“Hindi ako titigil kahit matalo ako sa debate sa Senado. (Ipaglalaban ko ito) dahil alam ko ang mga mahihirap ang makikinabang sa mga batas gaya nito,” dagdag pa niya.

Pinasalamatan din ni Go ang lahat ng frontline workers na nagbubuwis ng kanilang buhay araw-araw sa kanilang trabaho. Nangako siya na babantayan ang kanilang interes, gaya isinusulong niyang panukala na magbibigay ng karagdagang COVID-19 benefits at allowances na nakatakdang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Mula sa amin ng Pangulo, maraming salamat sa ating mga frontliners para sa sakripisyo niyo sa panahong ito. Pagpasok niyo sa ospital, nasa panganib na ang buhay ninyo. Kaya dapat walang pili ang tulong ng gobyerno. Ipaglalaban ko ang kapakanan ninyo bilang inyong chair ng Committee on Health sa Senado,” pangako ni Go.

Sa kanyang pagbisita, tiningnan din ni Go ang operasyon ng Malasakit Cente sa EAMC kung saan tumulong siyang ilunsad nong Marc 2020. Si Go ang may akda ng Malasakit Centers Act of 2019 na ang layunin ay lumawak ang access sa medical-related aid mula sa pamahalaan. Mahigit 3 milyong mahihirap sa buong bansa ang nakinabang sa naturang programa.

“Sa lahat ng mga Malasakit Centers, unahin natin ang mga mahihirap, ‘yung mga hopeless, helpless at walang matakbuhan. Isinulong ko ang batas na ‘to para hindi na sila mahirapan sa paghingi ng tulong mula sa gobyerno dahil sa totoo lang, pera naman nila ‘yan. Dapat ibalik ito sa mabilis na paraan,” pagbibigay diin ni Go.

“Pakiusap ko sa susunod na administrasyon, kung nakakatulong naman ang programang ito sa mga mahihirap, sana ipagpatuloy at dagdagan niyo ito. Walang pinipili ang Malasakit Center. Para ito sa mga poor at indigent patients,” apela pa niya.

Hinimok din ni Go ang publiko na ipagpatuloy ang pakikiisa sa paglaban sa pandemya, kasabay ng papuri sa vaccination drive kung saan sumampa na sa 140.3 million doses ng COVID-19 vaccines ang naiturok sa 77 porsyento ng target population sa buong bansa, as of March 20.

“Huwag tayong mag-alala at with your cooperation ay malapit na tayo makakabalik sa dati nating pamumuhay. Nakikiusap ako, magpabakuna na kayo kung mahal niyo ang mga frontliners at pamilya. Ang bakuna ang susi para maiwasan niyo ang grabeng pagkasakit dahil sa COVID-19,” sabi ng senador.

“Ang ganda ng takbo ng ating COVID response dahil disiplinado ang lahat. Huwag nating antayin na maging back-to-zero tayo. Napakahirap mag-umpisa muli at ayaw natin magsarado ang ekonomiya. Trabaho ang kailangan ng mga kababayan natin,” dagdag pa niya.

Samantala, nagbigay din ang team ni Go ng meals, food packs, vitamins at masks sa 2,891 health workers at 945 indigent patients pagkatapos ng kanyang talumpati.

Namahagi rin sila  ng mga bagong sapatos at bisikleta sa ilang piling healthworkers para sa kanilang araw-araw na pagko-commute at computer tablets para makatulong sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

“Malapit na matapos ang termino ni Pangulong Duterte. Binuhos niya, sinugal niya ang lahat para sa kinabukasan ng ating mga anak. Narinig ko kanina na may nagpapasalamat sa amin. Huwag kayong magpasalamat at kami ang nagpapasalamat sa inyo dahil binigyan niyo kami ng pagkakataon na maglingkod sa ating bayan,” saad pa ni Go.

TAGS: bong go, InquirerNews, Malasakit Center, RadyoInquirerNews, bong go, InquirerNews, Malasakit Center, RadyoInquirerNews

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.