Magnitude 6.7 at 6.8 na lindol, magkasunod na tumama sa Ecuador

 

Dalawang malakas na lindol ang yumanig sa Ecuador, araw ng Miyerkules, una ay ang magnitude 6.7 na naramdaman ng madaling araw na sinundan ng magnitude 6.8 dakong tanghali.

Hindi pa malinaw kung gaano kalaki ang pinsalang naidulot ng magkasunod na lindol, ngunit inanunsyo ni President Rafael Correa sa Twitter na may ilang bahagi sa may baybayin ang nawalan ng kuryente at sinuspinde rin ang lahat ng pasok sa mga paaralan sa buong bansa bilang pag-iingat.

Nagdulot ng bahagyang pinsala ang unang lindol, at sinasabing ang dalawang lindol na naranasan ay pawang aftershocks ng magnitude 7.8 na tumama sa bansa may isang buwan na ang nakalilipas.

Ayon sa US Geological Survey, ang unang lindol ay naitala bago mag-alas 3 ng madaling araw sa Ecuador na may sentrong nasa 10 kilometro ang layo mula sa Rosa Zarate City.

Habang ang pangalawang lindol na tumama 11:46 ng umaga sa Ecuador ay naka-sentro sa ilalim ng lupa ng baybayin, 24 kilometro ang layo mula rin sa naturang lungsod.

Sa kaniyang televised address, sinabi ni Correa na bagaman normal ang mga ganitong uri ng aftershocks, hindi ibig sabihin na hindi ito magdudulot ng takot at pinsala.

Posible pa aniyang magkaroon ng aftershocks hanggang dalawang buwan matapos ang malakas na lindol tulad ng naranasan ng Ecuador.

Ayon pa kay Correa, sa kabila ng pagkasira ng ilang mga kabahayan, wala namang naitalang gusali na gumuho at nailikas na rin ang mga residente.

Ayon naman kay security coordination minister Cesar Navas, isang tao ang nasugatan nang bumagsak ang isang pader, at limang iba pa ang nasaktan dahil sa pagmamadaling makalabas ng gusali.

Wala namang naitalang nasawi sa pangyayari.

Ang 7.8 magnitude na lindol sa Ecuador noong April 16 ang pinaka-malubhang disaster na naranasan ng bansa kung saan 661 na buhay ang nasawi at mahigit 28,000 na residente ang nawalan ng tirahan.

Read more...