Nailabas na ng Department of Budget and Management (DBM) sa Department of Transportation (DOTr) ang P7 bilyong pondo para sa implementasyon ng Service Contracting Program (SCP).
Layon ng naturang programa na makapagbigay ng cash subsidy sa mga apektadong public utility vehicle (PUV) drivers, habang sinisiguro ang kaligtasan ng public transport services sa gitna ng kinakaharap na health at economic crisis.
Sa ilalim ng programa, makokontrata ang mga operator ng PUV sa pamamagitan ng kasunduan base sa planong inihanda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Makatatanggap ang PUV drivers ng regular performance-based subsidies depende sa bilang ng biyahe kada linggo, anuman ang bilang ng pasahero.
Ipatutupad ito sa pamamagitan ng dalawang uri ng kontrata; net cost contracting at gross cost contracting. Masisisguro nito ang patas na pagbibigay ng kompensasyon sa mga PUV driver.
Upang matiyak ang maayos na implementasyon ng programa at tamang distribusyon ng cash subsidies, makikipag-ugnayan ang LTFRB sa mga priority local government unit upang mapadali ang pakikipag-ugnayan sa public transport cooperatives, associations, o corporations.
Bahagi ang SCP ng programa ng pamahalaan para makatulong na maibsan ang matinding epekto ng ilang linggong oil price increase.
Tiniyak naman ng DBM na ipagpapatuloy nila ang pagsuporta sa mga ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng paglalabas ng kinakailangang pondo sa mga programa sa tamang panahon.