Children’s Emergency Relief and Protection Act, ganap nang isang batas

By Alvin Barcelona May 18, 2016 - 01:07 PM

Pormal na nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Children’s Emergency Relief and Protection Act o Republic Act 10821.

Ginawa ito ng pangulo sa isang seremonya na idinaos sa Rizal Hall ng Malakanyang kasama ang mga matataas na opisyal ng senado at kamara de representante.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Aquino na layunin ng batas na bumuo ng isang komprehensibo at malawakang plano para siguruhing mapapangalagaan ang kapakanan ng kabataang Pilipinong apektado ng kalamidad, sakuna, at ng iba pang ‘di inaasahang mga pangyayari.

Ayon kay Pangulong Aquino sa panahon kasi ng mga kalamidad ang mga kabataan ang pinaka-nanganganib ang kalagayan dahil wala itong kalaban-laban.

Paliwanag ng pangulo, lahat ng mga hakbang at proseso na nakapaloob sa batas ay ginagawa na ng gobyerno bilang bahagi ng stratehiya sa Disaster Risk Reduction and Management na isinapormal lamang sa nasabing batas.

Dahil sa nasabing batas higit aniyang mabibigyang-lakas ang iba’t ibang sektor ng pamahalaan, at gawing mas maliwanag ang kani-kanilang mga atas at pananagutan sa panahon ng kalamidad.

Hangad din aniya nito na maging pundasyon at pamantayan ang nasabing batas sa pangangalaga sa kabataang Pilipino, sinuman ang nakaupo sa puwesto.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.