Naghain ng not guilty plea ang mga editor at reporter ng Philippine Daily Inquirer sa dalawang bilang ng kasong libelo na inihain laban sa kanila ng brodkaster na si Melo Del Prado.
Nag-ugat ang asunto laban sa dating managing editor ng PDI at ngayon ay editor-in-chief na si Jose Maria Nolasco, Associate editor for Online Abel Ulanday, News editor na si Artemio Engracia Jr., reporters na sina Nancy Carvajal at Christine Avendaño sa mga publications ng PDI laban Kay Del Prado noong March 19, 20 at 21, 2014.
Nakasaad sa mga artikulo ng PDI na tumanggap umano si Del Prado ng payola at suhol mula sa PDAF funds.
Kabilang sa mga kinasuhan ni Del Prado ng GMA-DZBB ay ang noo’y PDI Publisher na si Raul Pangalanan.
Hindi nakadalo sa arraignment si Pangalanan dahil nasa ibang bansa ito bilang isa sa mga hokum ng ICC o International Criminal Court.
Ayon naman kay Nolasco, nakakalungkot na bagaman binigyan ng PDI ng pagkakataon si Del Prado para sagutin ang mga impormasyon na nakalap ng pahayagan ay tumanggi ito na magbigay ng kanyang panig.
Sa halip ay idinaan ni Del Prado sa demanda ang usapin.
Naniniwala si Nolasco na hindi uusad ang asunto lalo’t suportado ng mga dokumento ang mga artikulo na lumabas laban Kay Del Prado.
“Alam mo naman sa Inquirer bawal sa atin maglabas ng serious allegations nang hindi dokumentado. Maliban dun, iginalang natin ang kaniyang (Melo del Prado) karapatan para sumagot sa article natin,” ayon kay Nolasco sa panayam ng Radyo Inquirer.
Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni Del Prado na dahil sa isyung isinangkot sa kanya ay nasira ang kanyang reputasyon pati na ng kanyang pamilya.