Sa Lunes na malalaman ng publiko kung aaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hirit ng National Economic Development Authority (NEDA) na 4-day work week at work from home na set up.
Ayon kay acting Presidential spokesman Martin Andanar, naipaliwanag na sa Pangulo ang magiging benepisyo ng naturang mungkahi na kung saan, layunin nitong makatipid sa oras, pagkain, pamasahe at iba pa ang mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin pati na sa produktong petrolyo.
Ayon kay Andanar, lahat naman ng mungkahi ay pinag-aaralan at pinakikinggan ng Pangulo.
Bukas aniya si Pangulong Duterte sa lahat ng rekomendasyon na manggagaling sa kanyang Gabinete kabilang na ang economic team gayundin ang mula sa mga dalubhasa, mambabatas at mga ekonomista.
Dagdag ni Andanar, nagsalita na rin naman ang Pangulo na kung anuman ang magiging desisyon ng economic cluster ay iyon ang magiging polisiya ng pamahalaan gayung ito naman ang kanilang forte.
Una rito, inirekomenda ng economic team na huwag suspendihin ang excise tax na inaprubahan naman ng Punong Ehekutibo.