Hindi na umabot sa lupa ang isang eroplano na nagsasagawa ng test flight at sumadsad ito sa karagatan na bahagi ng Iba, Zambales kaninang umaga.
Dakong ala-6:40 nang sumadsad ang six-seater Rockwell Commander 685 aircraft may 500 metro mula sa dalampasigan ng Barangay Sto. Rosario.
Nabatid na ang eroplano ay pag-aari ng Sentinel Logistic Air Management.
Nailigtas naman ng mga maagap na mangingisda at tauhan ng PNP – Maritime Group ang anim na pasahero na kinabibilangan ng piloto, marshalls at student pilots.
Agad isinugod ang mga nailigtas na pasahero sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital sa nabanggit na bayan.
Nagpadala na ang Civil Aviation Authority of the Phils. (CAAP) ng kanilang Accident Investigation and Inquiry Board investigators para alamin ang sanhi ng aksidente.
Nangyari ang insidente kasabay nang paggunita sa ika-65 taon ng pagbagsak ng eroplanong sinasakyan ni Pangulong Ramon Magsaysay, na naging kinatawan ng Zambales sa Mababang Kapulungan.