Pinaalahanan ng pamunuan ng MRT-3 ang kanilang mga pasahero na kahit umiiral ang Alert Level 1, sumunod pa rin sa minimum public health protocols habang nasa loob ng tren.
Ayon kay Director for Operations Michael J. Capati, ito ay para na rin sa proteksyon at kaligtasan ng mga pasahero.
Umapila siya sa kanilang mga pasahero ng kooperasyon at kaayusan habang sila ay nasa biyahe.
“Bawal po makipag-usap, kumain, at uminom sa loob ng tren, at lagi pong isuot nang tama ang facemask. Gawin po natin ang ating parte upang tuluyan na natin malampasan ang pandemya,” dagdag paalala pa nito.
Aniya may mga platform at train marshals na inatasan na pababain o huwga magpasakay ng mga pasahero na kumakain, umiinim, nakikipag-usap, maging sa cellphone.
Pagtitiyak pa ng opisyal, regular na sumasailalim sa disinfection ang kanilang mga tren sa magkabilang dulo ng linya.