Mediaman nataniman ng granada, inaresto

Pumalag ang misis ni dating Manila Times reporter Jaime Aquino sa ginawang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay Manilyn Mendoza, asawa ni Aquino, planted ang granada sa na iniuugnay sa dating reporter.

Ayon kay Mendoza, nagpapagasolina si Aquino sa Pangasinan nang biglang lapitan ng mga tauhan ng NBI sa bisa ng isang bench warrant.

Sa halip na dalhin sa presinto si Aquino, dinala umano ng mga ahente ng NBI sa kanyang tahanan upang magsagawa ng search sa bisa ng hawak nilang search warrant na ipinalabas ni Pangasinan Tayug Regional Trial Court Branch 51 Judge Rusty M. Nay na may petsang Marso 14, 2022.

Batay sa nilalaman ng search warrant, ipinag-uutos ng hukuman ang pagsasagawa ng search sa tahanan ni Aquino, sa kanyang water refilling station at sa isang pavillon.

Ngunit naging taliwas ang hakbangin ng mga ahente ng NBI dahil pati ang kanilang puwesto ng spare parts ng sasakyan, ang kanyang tindahan at ang isang bahay na hindi naman nila pag-aari ay pinasok din ng mga tauhan ng NBI.

Sa mga nilalaman ng warrant, gumawa ng inventory report ang mga tauhan ng NBI at dito nakasaad na wala silang nakita na kanilang hinahanap batay sa nilalaman ng search warrant.

Nagtataka sina Mendoza at Aquino na makalipas ang ilang minuto ay nakakuha na ang NBI ng dalawang granada sa mismong lagayan ng mga pinggan sa isang bahay na pag-aari ng kanilang tiyahin.

Ayon sa mag-asawa, imposibleng maglagay sila o sinuman ng granada sa mismong lagayan ng pinggan dahil doon naglalaro ang kanilang mga anak kasama ang ibang bata.

Sa kuwento pa ni Mendoza, napansin na niyang nagbubulungan ang dalawang ahente ng NBI kung kaya’t hindi niya ito hinihiwalayan ngunit naalis ang kanyang paningin dito at atensyon noong siya ay tinawag ni Aquino sa ikalawang palapag ng isang tahanan.

Ayon pa kay Mendoza, ang bench warrant ni Aquino na iprinisinta at dahilan ng pagdakip nito ay may kaugnayan sa kanyang kasong libel noong 2007 kung kaya’t ipinagtataka nila ang motibo ng search warrant gayong ito ay wala namang kaugnayan sa kasong una na niyang kinasasangkutan.

Naniniwala ang kampo ni Aquino na ito pa rin ay may kinalaman sa pulitika.

Read more...