Pangulong Duterte tinitiyak na maayos at mapayapa ang May 9 elections         

Sinabi ni Senator Christopher Go na kumikilos si Pangulong Duterte para matiyak na magiging maayos at mapayapa ang papalapit na eleksyon sa Mayo.

Ayon kay Go, ginagawa ito ng Punong Ehekutibo para ang lumabas ay ang tunay na kagustuhan ng mas nakakaraming Filipino.

Una na, aniya, inutusan ni Pangulong Duterte ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na tulungan ang Commission on Elections.

Kabilang na dito ang pagtitiyak na maiwasan ang mga karahasan na may kaugnayan sa halalan.

“I can’t speak in behalf of the President pero… wala naming kandidato sa amin. Sabi niya sisikapin niya na maging malinis at credible ang eleksyon na ito,” ayon sa senador, na nagsilbing special assistant to the President.

Dagdag pa nito; “Sabi naman ni Pangulo hindi naman niya maa-assure… pero sisikapin niya na walang magiging takutan, panghahasik sa mga kandidato. Dapat patas po ang lahat.”

Paalala lang din ng senador na may responsibilidad din ang mga kandidato na sumunod sa mga itinakda ng mga batas pang-halalan at hinihikayat niya ang mga ito na magsagawa ng maayos at payapang paraan sa pangungumbinsi sa mga botante.

Nanawagan na rin siya sa sambayanan na pag-isipan ng husto at kilatisin mabuti ang kanilang mga iboboto.

 

Read more...