Wala pang 10 porsiyento sa inaasahang higit 377,000 public transport workers ang nabigyan na ng P6,500 sa ilalim ng Pantawid Pasada Program.
Sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Executive Dir. Ma. Kristina Cassion, 35,000 ang nabigyan ng naturang ayuda kahapon, ang unang araw ng pamamahagi ng fuel subsidy.
Aniya, sinabi ng Land Bank na maaring matapos ang distribusyon sa darating na Biyernes, Marso 18.
May 136,000 subsidy card holders sa hanay ng jeepney drivers at operators ang mga nakilalang benepisaryo.
Ang natitirang bilang ay mga operator at driver naman ng bus, tricycle, taxi, TNVs at delivery service riders.
Naglaan ang gobyerno ng P5 bilyon para sa naturang subsidiya at hiwalay na P500 milyon naman para sa mga magsasaka at mangingisda.