Higit 1.4-M COVID-19 vaccine doses, naiturok sa ikaapat na ‘Bayanihan, Bakunahan’
Umabot sa mahigit 1.4 milyong doses ng COVID-19 vaccine ang naiturok sa ikaapat na ‘Bayanihan, Bakunahan’ program ng gobyerno.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nasa kabuuang 1,400,889 jabs ang naibigay sa buong bansa sa ikaapat na National Vaccination Days simula March 10 hanggang 14, 2022.
Sa naturang bilang, mahigit 345,000 indibiduwal aniya ang nabigyan ng first dose, higit 594,000 ang naging fully vaccinated, habang lagpas 460,000 katao naman ang nakatanggap ng booster shot.
Mas pinapalawak pa aniya ng kagawaran ang pagbabakuna sa bansa.
Maliban sa vaccination sites sa mga lokal na pamahalaan, klinika, paaralan, terminal, Resbakuna sa Botika, at iba pa, magkakaroon na rin ng pagbabakuna sa mga simbahan.
“Kaisa ang ating mga simbahan, magkakaroon na rin po ng bakunahan sa ating churches, parishes, at cathedrals,” saad ni Vergeire.
Nagtalaga na rin ang DOH ng mobile vaccination sites para sa pagsasagawa ng house-to-house inoculation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.