General amnesty, posibleng ibigay sa mga political prisoners

 

Dennis Jay Santos/Inquirer Mindanao

Isa sa mga ikinokonsiderang hakbang ni presumptive President Rodrigo Duterte ang pagkakaloob ng general amnesty sa lahat ng political prisoners sa bansa para sa pagtataguyod ng kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng mga komunistang rebelde.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, ibinunyag ito ni Duterte sa isang pagpupulong kasama ang isang kinatawan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at mga miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara kaugnay ng peace talks sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Sa kauna-unahang pagharap niya sa media matapos ang halalan, sinabi ni Duterte na ikukunsidera niya ang pagpapalaya sa mga political prisoners.

Ani Zarate, naisip rin ni Duterte na palayain lahat ng mga politcal prisoners nang sabay-sabay, sa halip na by-batch.

Ayon naman sa NDFP emissary na humiling na huwag siyang pangalanan, lalong tumaas ang kanilang kumpyansa sa administrasyon ni Duterte matapos ang kanilang pagpupulong noong Lunes.

Hindi lang kasi aniya basta posibilidad ng ceasefire ang natalakay kundi pati ang pagkakataon na makabuo na ng pinal na kasunduang pangkapayapaan.

Sakali rin aniyang mag-deklara ng ceasefire ang administrasyong Duterte, susunod rin ang New People’s Army (NPA) sa pamamagitan ng pagpapatigil rin ng kanilang mga military operations.

Handa na rin aniya ang kanilang panig para makipagpulong kay Duterte upang mapag-usapan ang Comprehensive Agreement on Socioeconomic Reforms na sa kabila ng mga naunang isinagawang proseso ay wala pa ring pinatunguhan.

Gayunman, mas mahalaga pa rin aniya na bago ang buhayin ang peace talks ay magka-usap muna nang personal ang chief political consultant ng NDFP na si Jose Maria Sison at si Duterte, upang mas mapabilis rin ang mga kasunduang sunod na tatalakayin.

Read more...