54 patay sa serye ng mga pambobomba sa Baghdad
Hindi bababa sa 54 ang nasawi sa naganap na serye ng mga pambo-bomba sa mga palengke sa Baghdad, Iraq.
Sa isang online statement, inako ng militanteng Islamic State (IS) group ang pinakamadugong pag-atake sa mga serye ng pambo-bomba na naganap sa Shaab, kung saan 28 ang nasawi at 65 iba pa ang nasugatan.
Sa nasabing pag-atake, isang bomba sa tabing-daan ang sumabog sa labas ng pader ng isang open-air market na sinundan naman ng suicide bomber na pinasabog ang sarili habang dumadagsa ang mga tao para tulungan ang mga nabiktima ng naunang pagsabog.
Ayon sa pahayag ng IS, ang pag-atake ay isinagawa ng isang Iraqi at sadyang tinarget ang mga kasapi ng Shiite militias.
Matapos naman ang pag-atake sa Shaab, isang nakaparadang sasakyan sa isang palengke sa Dora ang sumabog kung saan walo ang patay habang 22 iba pa ang sugatan.
Sa Sadr City naman, isang suicide car bombing ang naganap na ikinasawi ng 18 katao at ikinasugat ng 35 iba pa.
Naganap ang mga ito dalawang araw matapos ang isang suicide car bombing rin ang naganap sa isang natural gas plant kung saan 14 katao naman ang nasawi.
Hindi pa naman nabeberipika ng Associated Press ang authenticity ng pahayag ng Islamic State, pero ito ay ipinaskil sa isang website ng mga militante na madalas gamitin ng mga extremists.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.