P125-B ‘Marcos ill gotten wealth’ ipantapal sa epekto ng oil price hikes – Akbayan

Sakay ng mga pribado at pampublikong sasakyan, nagsagawa ng likos protesta ang Akbayan Partylist katuwang ang Sentro ng mga Nakakaisa at Progresibong Manggagawa bunsod ng serye ng pagtaas ng mga produktong-petrolyo sa Quezon City.

 

Hiniling ng dalawang grupo na bawiin sa pamilya Marcos ang P125.9 bilyon na anila ay nakaw na yaman at ibigay bilang karagdagang subsidiya sa public transport drivers maging sa pagpapatupad ng service contracting.

 

“Hindi pwedeng habang nalulunod sa kahirapan ang taumbayan dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina, ay nagpapakasasa ang pamilyang Marcos sa perang ninakaw nila. Kaya dapat maibalik agad ito sa pamahalaan para gawing subsidy,” sabi ni Akbayan labor leader Nice Coronacion.

 

Nabanggit na ng Department of Energy (DOE) na kapag nagpatuloy pa ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan, posible na umabot na sa P78.83 ang halaga ng kada litro ng gasolina, samantalang aabot sa P68.97 ang diesel.

Dagdag pa ni Coronacion, sa pagtaas ng halaga ng mga produktong-petrolyo, tataas din ang presyo ng mga bilihin at serbisyo kayat lubhang maapektuhan ang buhay ng mga Filipino.

Read more...