Overcharging na jeepney drivers, operators binalaan ng LTFRB

Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ukol sa mga public utility jeepney driver at operator na maniningil ng higit sa P9 pasahe.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni LTFRB executive director Kristina Cassion na mananatili sa P9 ang minimum fare sa kabila ng pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Wala pa aniyang pinal na desisyon ang ahensya ukol sa hirit na taasan ng P1 ang minimum fare.

“Naiintindihan po natin ang sentimiyento ng ating mga transport operators and drivers. Alam po nating umaaray na po talaga sila. Pero isinasaalang-alang at masusing inaaral ng LTFRB ang lahat ng aspeto kasi hindi lang naman po operators at drivers ang apektado po ng kasalukuyang krisis at pandemya na kinakaharap po natin,” saad ni Cassion.

Paalala nito, hintayin muna ang magiging desisyon ng ahensya ukol sa dagdag-pasahe.

“Maituturing na overcharging ang sobrang paniningil at ang overcharging po ay may penalty,” dagdag nito.

S kabilang ang multang aabot sa P15,000 at posibleng suspensyon at kanselasyon ng kanilang prangkisa.

Sinabi ni Cassion na sinumang mahuling lumabag ay mahaharap aniya sa mga karampatang parusa. Pagmumultahin ng P5,000 ang mahuhuling lalabag sa first offense, P10,000 at impounding ng sasakyan sa second offense, habang sa third offense at mga susunod na paglabag ay P15,000 multa at posibleng suspensyon o kanselasyon ng prangkisa.

“Kaya po tinatawagan namin ‘yung mga operators and drivers na sana kung ano lang ‘yung tamang singil, kung ano ‘yung nakalagay sa fare matrix, ‘yun lang po muna ang ating isingil sa publiko,” pahayag nito.

Payo naman ni Cassion sa mga commuter, i-report agad sa kanilang numerong 1342 ang sinumang driver o operater na makikitang nagpapatupad ng overcharging.

Kailangan lamang aniyang banggitin ang plaka o case number sa sasakyan upang makapaglabas ng show cause order.

“Kung sakaling may magreklamo po sa atin ay mag-issue ng show cause order ang ating LTFRB at ipatawag ang operator. Kapag napatunayan po talaga ay pagmumultahin po sila,” saad nito.

Read more...