Malaya ang Commission on Elections (COMELEC) na gumawa ng sariling desisyon.
Ito ang sinabi ni acting presidential spokesman Martin Andanar sa pangangatuwiran nang hindi pagsawsaw ng Malakanyang sa gagawing parusa sa mga kandidato na hindi sisipot sa ikakasang presidential at vice presidential debates.
“Alam mo itong Comelec, again, they are quasi-independent judicial body and they decide for their own commission. Kung anuman ang kanilang desisyon, it is really up to them at hindi naman para makialam ang Palasyo or any other agency or department of this government, ” pahayag ni Andanar.
Una rito, sinabi ni Vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte na hindi siya dadalo sa Comelec debate.
Maging si presidential candidate Ferdinand Bongbong Marcos JR. ay hindi pa tiyak kung makadadalo sa debate.
Sinabi ng Comelec na hindi nila papayagan na makalahok sa kanilang e-rally platform ang mga kandidatong hindi dadalo sa debate.