P1 bilyong halaga ng shabu, nakumpiska sa Valenzuela City

Screengrab from PDEA’s FB livestream

Nakumpiska ng mga awtoridad ang P1 bilyong halaga ng shabu sa Valenzuela, Martes ng hapon.

Sanib-pwersa sa buy-bust operation ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at Bureau of Customs (BOC).

Ayon sa PDEA, ikinasa ang operasyon sa bahagi ng Barangay Karuhatan dakong 3:30 ng hapon.

Humigit-kumulang 160 kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1.088 bilyon ang nasabat ng mga awtoridad.

Naaresto ang dalawang drug suspect na sina Tianzhu Lyu at kasabwat na si Meliza Villanueva matapos magbenta ng shabu sa undercover law enforcement operatives.

Maliban sa mga ilegal na droga, nakuha rin ng mga awtoridad sa mga drug suspect ang tatlong cellphone at identification cards.

Lahat ng naarestong drug trafficking suspect ay mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article 2 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act og 2002.

Sa buwan ng Marso, umabot na sa 231.2 kilo ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad na nagkakahalaga ng P1.57 bilyon.

Read more...