Sasama si Grace kay Mar sa isang kundisyon

 

chiz grace mar
Inquirer file photo

Hiniling ni Pangulong Noynoy Aquino kay Senator Grace Poe na mag-ikot ito sa bansa kasama si Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas.

Ayon kay Poe, pumayag naman siya sa hiling ni PNoy, sa kondisyon na dapat ay kasama rin nilang mag-iikot si Senator Francis “Chiz” Escudero.

“The President asked that I go around with Mar. I said yes but three of us would go, including Chiz. The President said yes,” ayon kay Poe sa panayam sa telepono sa Inquirer.

Una nang sinabi ni Poe na mas kumportable siyang maging running mate si Escudero dahil matagal nang kaibigan ito ng kaniyang pamilya.

Noong Huwebes, kinausap ni PNoy sa pulong sa Malakanyang sina Poe at Escudero. Pero ayon kay Escudero, walang alukan na naganap sa nasabing pagpupulong.

Iginiit lamang umano sa kanila ng Pangulong Aquino ang pagnanais nito na ang mga koalisyong sumuporta sa kaniya noong 2010 elections ay susuporta rin sa sinomang kandidatong kaniyang ie-endorso sa 2016.

Biyernes naman ay napabalita ring sina Sec. Roxas naman at Budget Sec. Butch Abad ang kinausap ng pangulo./PDI, Dona Dominguez-Cargullo

Read more...