Bulusan Volcano Natural Park, muling binuksan

Photo credit: Sorsogon Provincial Information Office/Facebook

Muli nang binuksan ang Bulusan Volcano Natural Park sa Sorsogon kasunod ng pagluluwag ng travel restrictions sa bansa dahil sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19.

Pinangunahan ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang muling pagbubukas at inagurasyon nito matapos ang dalawang taong malawakang rehabilitasyon upang masalubong ang mas marami pang lokal at dayuhang turista.

“Ginawa nating world class ang mga facililities dito sa park upang mas marami pang turista ang pumunta sa muling pagbubukas ng ating lalawigan dahil sa paghupa na ng mga kaso ng COVID sa Pilipinas,” pahayag ni Escudero.

Dagdga nito, “Pinaganda pa natin ang lugar na ito at hindi lamang ang lalawigan ng Sorsogon ang makikinabang, kundi partikular ang bayan ng Bulusan.”

Tampok sa natural park ang bagong Bulusan Eco-Tourism Center at Bulusan Eco-Adventours, at maging ang pinaganda at pinalawak na amenities gaya ng al fresco coffee shop at restaurant, massage spa at souvenir shop.

Samantala, inanunsiyo ng gobernador na aayusin din ang iba pang tourist attraction sa Bulusan, kabilang ang 18th century bell tower ng St. James The Great Church, katuwang ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP).

“Ang turismo ay hindi lamang tungkol sa magagandang tanawin at mga lugar. Bahagi ng turismo ang kasaysayan at pinanggalingan ng lugar na sana sa sinumang bibisita rito ay malaman at makita niya ang mga karasanan at kwento ng mga pangyayari katulad dito sa Bulusan,” punto ni Escudero.

Binati naman nito ang Provincial Tourism Office (PTO), Bulusan local government unit at mga ahensya ng gobyerno na sangkot sa pagpapaganda ng Bulusan park.

Photo credit: Sorsogon Provincial Information Office/Facebook
Read more...