Makakabuti kung pagtutuunan ng sapat na pansin ng Department of Energy (DOE) ang numinipis na reserba ng enerhiya sa bansa sa halip na harapin ang ibang isyu.
Ito ang sinabi ni Sen. Nancy Binay at dapat din aniya pag-aralan kung maaring suspindihin ang ipinapataw na excise tax sa mga produktong-petrolyo.
“Rather than looking too far ahead, the energy department should look at the problem that’s staring them in the face. Focus po sana muna tayo sa immediate na problema na dapat matagal nang natugunan. Sa ngayon, pinag-aaralan po natin kung pansamantala munang i-suspend ang pagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo,” punto ng senadora.
Una nang nagbabala ang Independent Electricity Market Operator of the Philippines sa panipis na suplay ng kuryente sa Luzon ngayon papalapit na ang eleksyon sa Mayo.
Sinabing nahaharap ang Luzon grid sa 67 yellow alert warnings simula ngayon buwan hanggang sa Hunyo kapag hindi nagawaan ng paraan ang reserba sa enerhiya.
Halos ganito rin ang naging babala ng National Grid Corp. of the Philippines (NGCP).
“Ramdam na yung numinipis na supply ng kuryente dahil na rin sa pagpasok ng summer season, plus yung inaasahang pagtaas ng presyo ng kuryente dahil na rin sa pagsipa ng presyo ng diesel at bunker fuel na apektado ng krisis sa Ukraine at Russia,” sabi pa ni Binay.