Pahayag ni Remulla na bayaran ang Cavite volunteers, kasing peke ng Tallano gold
Pumalag ang kampo ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo sa pahayag ni Cavite Congressman Crispin Remulla na hakot at bayaran ang volunteers na dumalo sa Robredo-Pangilinan rallies sa Cavite.
Ayon kay dating congressman Lorenzo “Erin” Tañada, campaign manager ng Robredo-Pangilinan tandem senatorial slate, walang katotohanang binayaran ng tig-P500 ang mga dumalo sa political rally.
Iginiit pa ni Tañada na ang pahayag ni Remulla ay kasing peke ng Tallano gold.
Base sa unang report sa media, aabot sa 47,000 katao ang dumalo sa Robredo-Pangilinan rally sa General Trias.
“Ang kwento ni Crispin Remulla ay kwentong Tallano. Yung paratang nyang P500 na bayad ay budol tulad ng 500,000 tons na ginto ni Tallano,” pahayag ni Tañada.
“This is straight out of the Marcos factory of lies,” dagdag ni Tañada.
Sinabi naman ni dating Senador Antonio Trillanes IV na nakababaliw ang drama ni Remulla.
“Nakakabaliw din ang drama ni Crispin Remulla. Crispin, Crispin, Crispin, anak saan mo napulot yang fake news na yan?,” pahayag ni Trillanes.
“Ang sagot: Inggit ang nagtulak sa kanya magsinungaling. Dahil sa inggit sa laki ng rally namin, ininsulto niya ang buong Cavite,” dagdag ni Trillanes.
Ininsulto aniya ni Remulla ang minimum wage workers na binalewala ang isang araw na kita, masilayan lamang si Robredo.
Malinaw aniya na inggit lamang si Remulla.
“Boying Remulla could not believe that people from all walks of life would come to a rally without being bused, fed and paid, which has been their way of gathering crowds,” pahayag ni Trillanes.
“Sa totoo lang, libu-libong manggagawa ang nawalan ng P500 sa araw na yun kasi umabsent sa trabaho nila. Sulit naman daw ang ‘no work, no pay’ because they were able to hear the vice president speak,” dagdag ng dating Senador.
Ayon kay Trillanes, gumagawa ng kasinungalingan si Remulla dahil napahiya ito nang marami ang dumalo sa rally ni Robredo kumpara sa rally ng katunggaling si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Kita naman sa video, ang mga dumalo sa aming mga rallies ay puno ng sigla, saya, at pag-asa kasi nga hindi hinakot, hindi tinakot. At lalong hindi binayaran,” pahayag ni Trillanes.
Sampal aniya kay Remulla ang dami ng tao na dumalo sa rally ni Robredo.
“Kaya parang sampal sa kanila na libu-libong mga Kabitenyo ang boluntaryong dumalo sa mga rallies ni bise presidente,” pahayag ni Trillanes.
“To save face, he has to insult the people of Cavite. Pero alam ng mga Kabitenyo na nagsisinungaling sya. Isang malaking pink tide ang nangyari, at walang red tide na naganap sa Cavite,” dagdag ng dating Senador.
Akala ni Trillanes na si Atty. Larry Gadon ang nag-imbento na binayaran ang mga dumalo.
“Nang narinig ko nga ‘yung imbento nya, hindi ako makapaniwala na galing sa isang congressman. Akala ko galing kay Gadon,” pahayag ni Trillanes.
“Lumalabas ngayon na si Gadon at si Boying parang pinagbiyak na bunga at honor graduates sa Marcos school of lies,” pahayag ni Trillanes.
Sa pagtaya ni Tañada, nasa 100,000 katao ang dumalo sa Robredo-Pangilinan rally at binigyan sila ng “rockstar welcome.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.