Tinawag na “sinungaling” at “desperado” ng ilang netizens si Congressman Boying Remulla matapos nitong akusahan na “bayad” at “komunista” ang mga dumalo sa campaign rally ni Vice President Leni Robredo sa Cavite. Sinabi ni Remulla, na kilalang taga-suporta ni dating Senador Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr., na “hinakot” at “binayaran” ang humigit-kumulang na 47 libong kataong dumalo sa “Grand Caviteño People’s Rally for Leni-Kiko” sa General Trias City, Cavite noong Marso 4. Sa isang programa sa DZRH noong Marso 5, sinabi ni Remulla na namahagi ng pera at namigay ng uniporme sa mga hinakot na dumalo ang mga kandidatong nagdaos ng rally. “Sasabihin nila ang daming tao, eh hinakot nila eh… May politikong nagbabayad ng 500 sa bawat aattend. Tapos may jeep, may staging area, may t-shirt, may uniporme. Kaya alam mong hindi indigenous eh kasi naka-uniporme. Ang uniporme nila siempre pink,” ika ni Remulla. Ni red-tag din ng kongresista ang mga dumalo matapos nitong sabihin na marami sa mga pumunta sa sortie ni Robredo ay “trained” ng mga komunista. “Ang dami nilang mga estudyante, mga aktibista, yung galing sa kaliwa. Yung mga trained ng NDF. May dalang mga bandera pero pink… Ang CPP-NPA-NDF saka ang Pink, magkakampi na. Yung pink naman kasi dilawan yun eh, kakampi naman talaga nila iyon,” banat ni Remulla. Si Remulla ay kasalukuyang Senior Deputy Majority Leader ng mababang kapulungan ng Kongreso. Isa siya sa 70 kongresistang nagbasura ng franchise renewal ng ABS-CBN. Sa kanyang Facebook account, sinabi ni Austin Simon Atun, isa sa mga pumunta sa sortie, na “hindi kami bayad at kailanma’y di mabibili.” “No one paid us, no one forced us to come there and show support. Every single thing that happened yesterday was all because of volunteerism, love and the willingness of the people to have a clean and decent government after a very long time. The people have spoken, that’s the truth,” ika ni Atun. Direktang tinawag ni Atun ang pansin ni Remulla at sinabing “nakakahiyang magkaroon ng isang tulad mo dito sa Cavite, na tinawag niyang “TRAPO, BULOK, MAPAGPAKALAT NG GAWA-GAWANG IMPORMASYON at SINUNGALING.” “Hindi kami tumindig ng ilang oras, naglakad ng pagkahaba-haba at nagpakagutom para lang sabihin niyo na binayaran at hinakot kami. HINDI NABABAYARAN ANG MORAL AT PRINSIPYO NAMIN,” dagdag ni Atun. Hinamon naman ni Miggy Aranton ang kongresista na taga-suporta ni Marcos na huwag silang itulad sa mga taong hinahakot ng kampo ng anak ng dating diktador. “Uhm excuse me lang Boying Remulla ha? Walang ni-isa ang bayad ho sa amin. Kung yung sa inyo bayaran, wag niyo po itulad sa amin. Dahil sa amin lahat kusang-loob iyon. Hindi kami pupunta at magpapakapagod para lang sabihin mong binayaran kami,” sabi ni Aranton. Sinabi rin nitong “lahat ng ginastos ng organizers dun ay galing sa DONATIONS.” “Yes po, DONATIONS ng mga kapwa kakampinks din. Tumayo kami dun at naghintay for almost 9 hours dahil PINASARA niyo ang ibang kalsada papunta sa Gen. Trias tas tatawagin niyo kaming bayaran? Wala naman kayong proof! Volunteerism po ang tawag sa ginawa namin. Di kami naghakot gamit ang trucks,” ika ni Arantton. Sa isa pang Facebook post, hinikayat ni Gerry Cacanindin ang publiko na huwag pabayaan ang mga nagkakalat ng maling impormasyon. “We need to push back. Let’s show these people we won’t take all the lies sitting down. Post your video or photos of the Cavite Grand Rally. Tag Boying Remulla and DZRH News. Use the hashtags #HindiKamiBayad #BoyingSinungaling #CaviteIsPink,” ika niya. Noong gabi ng Marso 4, naging viral sa mga social media platforms ang mga video ng mga taong dumalo sa rally ni Robredo sa Cavite na sumisigaw na “Hindi Kami Bayad, Hindi Kami Bayad.” Kasama sa mga naging viral na photos and videos ay mga drone shoots na nagpapakita kung gaano karami ang mga taong dumalo.
MOST READ
LATEST STORIES