Papabaunan ng Australia ang kanilang mga pambato para sa Rio Olympics ng ‘extra-strong’ condoms.
Ito ang nakikitang solusyon ng kanilang pamunuan upang mas mapanatag sila na hindi basta-bastang mahahawaan ang kanilang mga atleta ng Zika virus na laganap sa Brazil.
Bagaman magiging available naman sa mga dispensing machines ang condom sa loob ng Olympic village, hindi pa rin makakampante dito ang Australia kaya mayroon silang sariling ipamimigay sa kanilang mga manlalaro.
Magiging kaagapay ng Australian Olympic team ang Starpharma na nagsasabing ang kanilang produktong condoms ay mayroong lubricant na nagpo-protekta laban sa mga sexually-transmitted diseases.
Malapit na rin anilang matapos ang laboratory studies ng nasabing kumpanya ang kanilang anti-viral protection laban sa Zika virus.
Ayon kay Austrialian Olympic team chef de mission Kitty Chiller, prayoridad nila ang kalusugan at kapakanan ng kanilang mga manlalaro.
Ang kanila aniyang pakikipag-team up sa Starpharma ay magbibigay ng karagdagang proteksyon sa kanilang mga atleta laban sa isang seryosong problema sa Rio.