Bong Go sa susunod na pangulo ng bansa: Ituloy sana ang Malasakit Center

Umaasa si Senador Bong Go na ipagpapatuloy ng susunod na pangulo ng bansa ang legasiya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawa ni Go ang pahayag dalawang buwan bago matapos ang termino ng Pangulo sa Hunyo.

Ayon kay Go, tiyak na mabibigyan ng komportableng pamumuhay ang bawat pamilyang Filipino kung ipagpapatuloy ng susunod na pangulo ng bansa ang mga programang nasimulan ng Pangulo.

Partikular na tinutukoy ni Go ang Malasakit Centers na mahigit tatlong milyong mahihirap na ang nakinabang mula nang mailunsad noong 2018.

“Natutuwa ako dahil nakaabot na ang Malasakit Center sa pinakadulo ng ating bansa. Nitong Marso 1 ay binuksan na ang ika-150 na Malasakit Center sa Batanes General Hospital sa Basco. Ito ang kauna-unahang center sa probinsya ng Batanes,” pahayag ni Go.

Ang Malasakit Center ay one-stop shop kung saan maaari nang makahingi ng pinansyal na ayuda sa Philhealth, Department of Health, Department of Social Welfare and Development at sa Philippine Charity Sweepstakes Office sa loob mismo ng ospital.

“Sinundan ito ng pagbubukas ng ika-151 Malasakit Center sa Quirino Provincial Medical Center… Kaya kahit anuman ang mangyari sa pulitika lalo na’t papalapit na ang eleksyon, sana ay maipagpatuloy at mabigyan ng kaukulang suporta ang mga programang katulad ng Malasakit Centers na nakakatulong sa mga mahihirap lalo na ‘yung mga walang matatakbuhan,” pahayag ni Go.

 

 

Read more...