P1-M halaga ng livelihood support project ng DAR, ipinamahagi sa ilang Muslim sa North Cotabato

By Chona Yu March 03, 2022 - 10:10 AM

DAR photo

Aabot sa P1 milyong halaga ng livelihood support project ang ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga mahihirap na pamilyang Muslim sa Pikit, North Cotabato.

Ayon kay Mindanao Affairs and Rural Development Undersecretary Ranibai Dilangalen, nakatuon nag proyekto sa pagpapalakas sa mga kabataan, o mga batang nag-aaral sa napiling 30 pamilyang nabubuhay sa ilalim ng poverty line.

“Gusto nating mahikayat ang mga kabataan, partikular ang mga elementary at high school students, sa mga agri-related activities, lalo na ngayong may pandemya upang makatulong sila na magkaroon ng mapagkakakitaan ang kanilang mga pamilya,” ani Dilangalen.

Ang kabuuang halaga ng proyekto ay inilaan sa pagpoproseso at marketing ng tilapia production, na may kabuuang halaga na P724,500; produksyon at pagbebenta ng kambing, P40,000; produksyon at pagbebenta ng organikong gulay, P31,600; kagamitan at kasangkapan sa paghahalaman, P67,770; agroforestry, P7,450; at capacity development interventions, P128,680.

Inihayag ni Assistant Regional Director at Provincial Agrarian Reform Program Officer II Rodolfo Alburo na inaasahang mapapabuti ng proyekto produktibidad ng mga benepisyaryo at madadagdagan ang kanilang kita habang maingat na inoobserbahan ang pangangalaga ng kapaligiran.

“Ang livelihood project, bilang farm enterprises, ay pamamahalaan ng mga kabataan sa ilalim ng mahigpit na superbisyon at suporta ng mga magulang at guro nila,” aniya.

Ipinaliwanag ni Chief Agrarian Reform Program Officer Emelita Mayol na ang ahensiya ay makikipagtulungan sa pagpapatupad ng proyekto sa pamamagitan ng DAR-Pikit municipal office at ng development facilitators na naka-assign sa area.

“Malaki ang ginagampanan ng paaralan at ng lokal na pamahalaan ng Pikit sa pagbibigay ng direktang extension services sa mga benepisyaryo at ang kanilang papel sa pagsubaybay sa operasyon at pamamahala sa proyektong ito,” ani Mayol.

Bukod sa DAR, nagkaloob din ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa hardwood timber seedlings at giant bamboo seedlings na nagkakahalaga ng P86,500.

TAGS: DAR, InquirerNews, RadyoInquirerNews, DAR, InquirerNews, RadyoInquirerNews

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.