P75-B utang ng mga magsasaka sa Land Bank, ipabubura ni Mayor Isko

Manila PIO photo

Ipinangako ni Aksyon Demokratiko presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na kapag siya ang uupong bagong pangulo ng bansa, gagawa siya ng paraan na mabura ang mga utang ng agrarian reform beneficiaries (ARB).

Sinabi ni Domagoso na ito ay magiging bahagi ng pagsusumikap ng gobyerno na masuportahan at maprotektahan ang mga magsasakang Filipino at matiyak ang seguridad sa pagkain sa bansa.

“Sa magsasaka may ibibigay tayo sa kanila if elected, sa awa ng Diyos at sa tulong ninyo, gagawin kung mahalagang batas yung proposed measure ni Senator Ralph Recto na yung condonation ng amortization, penalties and surcharges ng ating magsasaka na benepisaryo ng CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program),” ang sabi ni Domagoso.

Dagdag katuwiran pa nito, nais niyang mabawasan ang malaking intindihin ng mga magsasaka dahil mawawala na ang kanilang mga utang.

Ito aniya ay napakaliit na bagay para sa kanya kung ikukumpara sa bilyun-bilyong pisong pondo ng bayan na nasasayang dahil sa korapsyon.

“It only costs about P75 billion. Anyway, lista sa tubig lang naman yan. Ang may ari ng pera is the Land Bank of the Philippines, which is a government-owned and controlled corporation (GOCC). Eh hindi naman kaila sa atin, nawawalan tayo ng P700 billion every year dahil sa corruption,” pagpupunto pa nito.

Sabi pa ni Domagoso, kapag naaprubahan at naipatupad na ang amnestiya sa mga utang, maituturing na ng mga magsasaka na sila na ang nagmamay-ari ng lupa na kanilang sinasaka o tinataniman.

Read more...