100 porsyentong seating capacity sa public transport, pwede na ilalim ng Alert Level 1

Pinapayagan na ng gobyerno ang 100 porsyentong seating capacity sa mga pampublikong sasakyan simula sa araw ng Martes, March 1.

Kasunod ito ng pagbaba sa Alert Level 1 ng Metro Manila.

Sa LTFRB Memorandum Circular Number 2022-028, nakapaloob na kung ang biyaheng intrazonal o interzonal ay nasa pagitan ng Alert Level 1 at isang lugar na may mas mataas na alert level, ang seating capacity na susundin ay ibabatay sa may mas mataas na antas ng alerto.

Maliban dito, hindi na kailangan ang mga plastic barrier o divider, na kadalasang ginagamit sa mga Public Utility Jeepney (PUJ) at Public Utility Bus (PUB).

Mahigpit pa ring ipinatutupad ang tamang pagsuot ng face mask sa mga pasahero, driver, at konduktor, at kailangang matiyak ang pagsunod sa IATF-EID at DOH health protocols.

Samantala, mananatili naman sa 70 porsyento ang seating capacity sa mga lugar na hindi kabilang sa Alert Level 1.

Paalala ng LTFRB sa publiko, sundin pa rin ang health and safety protocols para sa ligtas na pagbiyahe.

Read more...