Sen. Nancy Binay umapila nang pagtitipid sa tubig sa Metro Manila

 

Bunsod nang napipintong kakulangan sa suplay ng tubig sa Metro Manila, hiniling ni Senator Nancy Binay ang pagtitipid sa tubig upang maiwasan ang pagrarasyon.

 

“Ang apela po natin sa mga kapwa consumer na simulan na po natin ang pagtitipid ng tubig at i-encourage din natin ang ating mga kasama sa bahay na maging praktikal sa paggamit ng tubig. Kasi, kung patuloy pa rin ang nakagawian nating paggamit, panigurado kakulangan ang Metro Manila ng supply at baka umabot na naman tayo sa pagrarasyon,” sabi nito.

 

Una nang inihayag ng Water Resources Board (NWRB) na maaring magkulang ang suplay ng tubig sa Metro Manila sa susunod na buwan o sa buwan ng Mayo dahil sa bumababang antas ng tubig sa Angat Dam.

 

Hinikayat din nito ang private water concessionaires at mga kinauukulang ahensiya na magpalabas ng abiso ukol sa tamang paggamit ng tubig at paraan para madagdagan ang suplay lalo nang papalapit ang ‘summer months.’

 

Hanggang noong Pebrero 24, ang antas ng tubig sa Angat Dam ay nasa 196.09 meters na mababa sa 196.66 meters na naitala naman noong Pebrero 19.

 

Sa bahagi naman ng PAGASA, inanunsiyo na noong Enero na kung hindi magiging sapat ang ulan ay posible talaga ang kakulangan sa suplay ng tubig.

 

Pagdidiin ni Binay napakahalaga na may sapat na suplay ng tubig dahil sa nagpapatuloy na pandemya dulot ng COVID 19.

Read more...