Nagbikis ang halos 100 lider ng pitong malalaking pederasyon ng mga maliliit na mangingisda sa bansa para maisalba ang kanilang kabuhayan.
Binuo ng mga pederasyon ang Kilusan ng mga Artisanong Mangingida sa Pilipinas (KKAMPi).
Hangad ng organisasyon na maisulong ang pagpapatupad ng mga polisiya na may kaugnayan sa pangingisda para mapangalagaan ang kanilang kapakanan at kabuhayan.
Sinabi ni Roberto ‘Ka Dodoy’ Ballon, na 2021 Ramon Magsaysay awardee, na hanggang noong 2018 may 1.928 milyong maliliit na mangingisda sa bansa na patuloy na nabubuhay sa kahirapan.
“Dwindling fish catch due to the exhaustion of fishery resources, translates to low income for artisanal fisherfolk. The degradation of critical fishery ecosystems in municipal waters, including the destruction and decline of coral reefs, seagrass and mangroves; are also problems among the fishing communities,” sabi pa ni Ballon.
Ayon naman kay Pablo ‘Pabs’ Rosales, ng Pambansang Kilusan ng Mangingisda (PANGISDA), nakakadagdag pa sa kanilang paghihirap ang ‘large-scale commercial and industrial reclamation, seabed quarrying at offshore mining, bukod pa sa plastic pollution.
Inihanda din ng KKAMPi ang 10-point Philippine Blue Agenda, kung saan nakapaloob ang kanilang mga rekomendasyon at programa para maisalba ang industriya ng pangingisda sa bansa.
Kabilang na ang pagbuo ng Department of Fisheries and Aquatic Resources (DOFAR).
Ayon naman kay Ruperto Aleroza, ng Pambansang Katipunan ng mga Samahan sa Kanayunan (PKSK), kailangan din na maisulong nila ang kanilang karapatan na makapangisda sa West Philippine Sea bunsod na rin ng ilegal na pangingisda ng mga Chinese nationals.
Kayat hamon niya sa lahat ng mga kandidato sa papalapit na eleksyon na ipaglaban ang karapatan ng mga maliliit na mangingisda.