Duterte pinayuhan na maghinay-hinay sa death penalty

By Isa Avendaño-Umali May 16, 2016 - 04:55 PM

Lito-Atienza02
Inquirer file photo

Nakiusap ang isang pro-life Congressman kay presumptive President Rodrigo Duterte na huwag munang isama sa kanyang unang bugso ng prayoridad sa bagong administrasyon ang pagbabalik sa death penalty.

Ayon kay Buhay Party List Rep. Lito Atienza, sa halip na mapagkaisa ni Duterte sa mga Pilipino sa pagsisimula ng kanyang pamahalaan, posible raw na magkawatak-watak pa ang mga tao dahil sa pagbuhay sa parusang kamatayan.

Giit muli ni Atienza, hindi sagot ang death penalty sa problema ng Pilipinas sa kriminalidad, droga at katiwalian.

Payo ng Kongresista kay Duterte, kung gusto nito na maresolba ang mga nabanggit na isyu, mag-concentrate na lamang umano ang bagong Pangulo sa judicial at police reform.

Dagdag ni Atienza, marapat solusyunan ni Duterte ang katiwalian sa hanay ng mga pulis, hudikatura at isama na ang Department of Interior and Local Government o DILG upang makatulong na ang mga local official, mula governor pababa sa barangay officials sa pagresolba sa mga problema.

Inamin naman ni Atienza na hindi niya isinasantabi na sa pagbukas ng 17th Congress  ay mayroong maghahain ng panukala para buhayin ang death penalty sa bansa.

Pero, hindi aniya ito magandang simula sa Duterte presidency lalo’t wala pang katiyakan kung makukuha nito ang suporta ng buong Kongreso.

Matatandaang noong June 2006, tuluyang ibinasura ang death penalty sa pamamagitan ng Republic Act (RA) 9346 o An act prohibiting the imposition of death penalty in the Philippines.

Umaabot sa 128 na mga Kongresista ang sumuporta sa nasabing panukala noong 13th Congress sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

TAGS: Atienza, Death Penalty, duterte, Atienza, Death Penalty, duterte

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.